Kalunos-lunos ang sinapit ng isang limang buwang gulang na sanggol na babae na nagtamo ng mga pasa dahil sa pang-aabuso umano ng kaniyang yaya.
Ang yaya, pinalaya dahil apat na araw na ang nakalipas nang maisumbong ang insidente subalit wala pang pormal na warrant of arrest na nailalabas ang korte sa kanya.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing trahedya ang dinanas ng pamilya ng sanggol dahil sa pangyayari.
"Napakahirap kasi hindi na ako makakain. Hindi rin ako makatulog. Kailangan ko ng hustisya para sa anak ko kasi sa limang buwan napakahirap isipin na may isang tao na gagawa noonk sa isang anghel," saad ng ina ng bata na si "Tina," hindi niya tunay na pangalan.
Makikita kay Tina na tuliro at pagod na pagod na siya sa pag-aalala sa pang-aabusong naranasan ng anak.
Mayo 10 daw nang may una siyang napansing may ginagawang kakaiba ang yaya sa sanggol.
"Tinanggalan niya ng diaper 'yung anak ko, sabi ko 'Bakit umiiyak ang baby ko? Tapos nakita ko 'yung baby ko biglang nag-poopoo. So since umiiyak na sabi ko 'Ako na lang maglilinis ng poopoo. Noong pagkalinis ko ng poopoo nakita ko na nga, may pasa pasa siya."
Dahil dito, agad niyang dinala ang anak sa pediatrician. Pinayuhan siya ng doktor na ipa-medico legal ang anak.
Halos madurog ang kanyang puso nang malaman ang resulta ng pagsusuri ng crime laboratory sa Camp Crame.
"Finding is hematoma, may force talaga na ginamit sa anak ko."
"'Yun nga po ang masakit kasi ngayon nagsusugat ang puwet ng anak ko gumagamit kami ng antibiotic at saka ointment saka 'di na rin siya dumedede nang normal," ani Tina.
Kinilala ang suspek na si Maria Larleen Bianeza Carreon, 39-anyos.
Sinampahan ang yaya ng reklamo sa piskalya ng paglabag sa R.A. 7610 o anti-child abuse law sa tulong ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nadakip si Carreon, ngunit pinalaya rin siya dahil apat na araw na ang lumipas matapos ang sinasabing krimen ay wala pang warrant of arrest laban sa kanya.
Sa batas, tatlumpu't anim na oras lamang ang pinahihintulutang detensyon na walang warrant para sa mabigat na krimen.
Patuloy ang isinasagawang preliminary investigation ng piskalya at kung maisasampa ang kaso sa korte, saka pa lamang aabangan kung maglalabas ng warrant of arrest ang hukuman.
Nababahala si Tina sa kasalukuyan sa posibilidad na magtatago na si Carreon. Hindi na aniya ito makontak.
"Gusto ko at desidido ako na ipakulong siya ng matagal na panahon o habang buhay gusto ko siyang magdusa sa loob ng kulungan."
Nagdesisyon si Tina na ibahagi ang naging karanasan para magsilbing aral sa iba sa pagkuha ng yaya.
"Nagpunta ako sa isang website pagkatapos nag-post ako na kailangan ko ng yaya ASAP. So maraming nag-comment pero kasi siya yung pinakamabait.... The way na lagi niyang binabanggit 'yung kuwento niya na laging kasamang Diyos, 'yung faith niya kay Lord... Hindi ko kasi naisip na pati sa anak ko magagawa niya iyon. Napakahirap kasi ang tiwala ko sa kaniya sobra-sobra." —Jamil Santos/LDF, GMA News