Patay ang isang 7-taong gulang na bata matapos itong makainom ng nakakalasong silver cleaner sa kanilang bahay sa Barangay Rizal, Makati City.

Ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa 24 Oras nitong Biyernes, nainom ni Rain Mendoza ang silver cleaner na iniwan ng kanyang ama sa isang mesa.

"Siguro po, 'yung anak ko, galing sa labas, galing sa laro, siguro iinom siya dito, nakita niya ang bote," kuwento ni Sherwin del Rosario.

Nasa lalagyan daw ng softdrinks ang nasabing kemikal.

Kaagad dinala sa ospital ang bata na nakita na naninigas, ngunit binawian din ito ng buhay makalipas ng ilang oras.

"Wala na pong malay, wala na ring blood pressure, mabilis na mabilis ang tibok ng puso, so talagang in-shock na po 'yung bata nang matanggap namin," ayon kay Dr. Monique Moldez, isang pediatrician sa Ospital ng Makati.

"'Yun po kasing epekto ng parang lason, 'yung silver cleaner mabilis po talaga kahit kaunting amount lang ang maiinom, mabilis ang epekto sa katawan," dagdag ng eksperto.

Ang payo ni Sherwin sa ibang magulang: "Magsilbing masinop, magiging lesson na rin sa iba na huwag nang mag-stock ng ganoon sa bahay."

"Kaunting-kaunti lang talaga, bulagta agad anak ko eh. Hindi ko pa nga matanggap eh."

Dati nang may babala ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa paggamit, pagbili at pagtatago ng kemikal na ginagamit na silver cleaner.

Nagtataglay daw kasi ito ng cyanide na puwedeng ikamatay kapag nainom o pumasok sa katawan.

"Dapat po hindi naglalagay sa hindi mismong lalagyan," dagdag ni Dra. Moldez. "Katulad no'n, 'yung bata po kinuha niya sa lalagyan ng softdrinks yung paglinis ng alahas na hindi naman dapat doon nakalagay so pag-i-ingaty sa mga magulang, lalo na kung maliliit na bata sa bahay ang maabot." —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News