Nangingitim at tila may mga kalmot nang matagpuan ang bangkay ng isang ginang sa isang palayan sa Mangatarem, Pangasinan, na sinasabing natuklaw ng ahas.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Eva Vinoya, 45-anyos, na natagpuan sa Brgy. Umangan ng nasabing lugar.
Nabalot na lamang ng lungkot ang pamilya ni Vinoya sa pagpanaw ng ilaw ng kanilang tahanan.
"Kahit papaano masakit din kasi kahit na hipag ko lang, eh kapamilya na namin 'yan, masakit din 'yan," sabi ni Teofilo Vinoya, kaanak ng biktima.
Nakita ang tila tuklaw ng ahas sa paa ng biktima na posibleng ikinasawi niya, ayon sa pulisya.
"Hinihintay po natin ang resulta ng medico legal para ma-verify talaga na kagat siya ng ahas," sabi ni Police Captain Arnulfo Rigos, Deputy Chief, Mangatarem Police Station.
Hindi na isinailalim pa sa autopsy ang bangkay ni Vinoya dahil wala naman silang nakikitang foul play sa kaniyang pagkamatay.
"Naniniwala kami sir na wala naman talagang nanakit kasi ayon sa findings ng doktor, gasgas lang 'yung mga konting sugat," sabi pa ni Teofilo Vinoya.
Sinabi ni Police Captain Rigos na walang nakita ang mga awtoridad na nagkaroon ng struggle ang biktima.
Nagpaalala ang mga awtoridad na magdoble ingat lalo't karaniwang naglalabasan ang mga ahas dahil sa init ng panahon. —Jamil Santos/LDF, GMA News