Nasamsam ng mga awtoridad ang P3.4 milyong halaga ng shabu na isinilid sa mga pakete ng tsaa sa isang buy-bust operation sa Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Inaresto ang suspek na si Alanie Bayantol Sacampong, 18-anyos, dahil sa kalahating kilong shabu na nakumpiska sa kanya nitong Linggo sa Quiapo, Maynila.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), miyembro raw ng sindikatong galing Mindanao si Sacampong. Pero ang mga pakete ng tsaa iba umano ang pinanggalingan.

 

 

“Marami na rin kasi kaming operation before previously na naka-recover kami ng mga teabags just like this and the result of our investigation pinpoints to a certain Chinese syndicate na nagpalusot ng ganito. Hindi lang sa Metro Manila but in Visayas and Mindanao areas,” sabi ng PDEA director na si Levi Ortiz.

Bago ang operasyon, mahigit dalawang buwan na raw nilang sinusundan ang suspek.

Napag-alaman din ng mga awtoridad na mga tulak ang mga parokyano ni Sacampong.

“Kung mapapansin niyo 'yung volume ng huli natin, hindi po sila nagma-market sa mga end user. Mostly ang pinagbebentahan nila is 'yung maramihan. Bulk order, wholesale sila kung sa regular na business,” sabi ng ahente ng PDEA na si Jonar Cuayzon.

Ayon sa suspek, galing daw siyang Marawi at dalawang buwan pa lang na naninirahan sa Maynila.

Binabayaran daw siya ng P5,000 para dalhin ang mga nakumpiskang shabu.

“Hindi ko kilala. Pinapadala lang sa akin ang pera,” sabi ni Sacampong.

Ayon sa PDEA, posibleng may koneksiyon si Sacampong sa nahuli nila noon na si Adsmin Kadil dahil pareho silang bagong salta sa Maynila mula Mindanao at pinaghihinalaang miyembro ng sindikato. —Joviland Rita/KG, GMA News