Inihatid sa huling hantungan nitong Martes ang 11-anyos na biktimang nagpatiwakal daw habang nasa paaralan sa Quezon City.
"Nung nasa ICU ang anak ko bigla na lang po nagsalita ng 'I will follow my master and I will kill them'," sabi ng kanyang ina.
Nagpasya ang mga magulang ng bata na ikwento ang kanilang nalaman tungkol sa anak upang magsilbing babala sa ibang mga magulang at mga anak.
May nagsabi daw sa ina na may kaklase and bata na nananakit ng sarili.
Nang tingnan daw niya ang palitan ng messages ng kanyang anak at ng naturang kaklase, nadiskubre niya ang mga nakababahalang usapan tungkol sa mga suicide games.
Ang laman naman daw ng search history ng anak sa internet ay patungkol sa dark web at mga online challenges tulad ng momo challenge.
Kutob ng ina, ang mga ito ang nagtulak sa anak upang kitilin ang sariling buhay.
"May task daw po na iuutos yung master na kailangan ka umakyat ng bahay. Picture-an mo sarili mo," sabi ng ina.
Taong 2016 unang lumaganap ang tungkol sa blue whale challenge sa internet.
Hahamunin ang mga biktima na gumawa ng mga task na palala nang palala hanggang sa umabot sa pagpapatiwakal.
Kumakalat naman ngayon ang momo challenge tampok ang nakakatakot na itsura ng babaeng ito na base daw isang sculpture sa isang museum sa Japan.
Nagsimula ang momo challenge sa isang messaging app. Sa pamamagitan ng chat, uutusan ang biktima, kadalasan mga bata, na gumawa ng mga mapanakit na bagay sa sarili at sa kapwa.
Kumalat na rin daw ang momo challenge sa YouTube at iba pang social media platforms.
Karaniwan, isinisingit ang mensahe ni momo sa mga tila inosenteng pambatang video.
Pinaiimbestigahan na ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang tungkol sa blue whale at momo challenge sa bansa.
Kung maaari, nais raw niyang mai-block ang mga ito.
"Sa ating mga magulang kailangan po siguro bantayan natin ang ating mga anak rito. siguro ang kailangan dito is yung talagang magabayan ang mga anak lalo na kapag sila ay wala sa atin, nandun sa mga schools," sabi ni Albayalde.
"Well of course, yung mga guro din. Isa na rin ito na isama nila yung tamang pagturo upang maiwasan itong mga suicidal thinking ng ating mga kabataan or etong mga challenges na ginagawa through tne internet, lalo na kung yung bata ang ini-enganyo," dagdag pa niya. —Oscar Oida/NB, GMA News