Arestado ang isang Chinese national matapos umano itong manghipo ng tatlong kababaihan sa loob ng horror house sa isang amusement park sa Pasay City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Zhang Yang, 19, na tumangging magbigay ng pahayag at ngayon ay nakakulong sa nasabing siyudad.

Inaresto si Zhang matapos magsumbong ang tatlong magkakaibigang biktima umano niya sa management ng amusement park, na nagsumbong naman sa mga pulis.

"I called my daughter and then I asked her, 'Anong nangyari sa 'yo?' Sabi niya, 'Mommy, pinasok 'yung kamay niya sa pantalon ko'," anang ina ng isa sa mga biktima.

Sa kabila nito, hindi naman nagustuhan ng ina ang naging karanasan nila sa Pasay Police Community Precinct 1 kung saan pinayuhan daw sila na makipag-areglo na lang at huwag nang ituloy ang kaso.

"They were asked to parang i-settle na lang. Ganun. Parang aregluhin na lang," aniya.

Dagdag pa niya, hindi sila pumayag na makipag-areglo. Hindi rin daw niya nagustuhan kung paano sila kinausap ng mga pulis.

"Sumisigaw siya. Unlikely to be there sa police station na ang iniisip mo na poprotektahan ka, kakausapin ka nang maayos ng mga pulis. Pero that time, hindi talaga ganun ang nangyari. We're very disappointed," anang ina.

Dahil dito, sinibak sa puwesto ang apat na pulis ng Pasay PCP 1 kabilang ang hepe nito na si Inspector Remedios Terte.

Ayon naman kay Senior Superintendent Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, itinanggi ng mga nasabing pulis ang paratang sa kanila.

Sinabi rin ni Flores na hindi saklaw ng trabaho ng mga pulis ang settlement sa pagitan ng biktima at suspek.

"Kung interesado man 'yung biktima na makipag-arrange, it's not on the level po ng PNP (Philippine National Police)," ani Flores.

Wala namang balak magsampa ng reklamo ang mga biktima laban sa mga pulis bagama't desidido silang sampahan ng reklamo si Zhang. —KBK, GMA News