Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na nasa likod ng pamamaril sa isang babaeng naglalakad lang sa kalsada sa Quezon City. Ang gunman, kumain muna sa karinderya bago isinagawa ang krimen.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita sa CCTV footage ang biktima habang naglalakad sa Barangay Masambong dakong tanghali, kasama ang isang babae at isang lalaki.

Maya-maya lang, isang motorsiklo na rider lang ang sakay ang nakasalubong ng tatlo at lumampas sa kanila bago bumuwelo at tumigil sa tapat ng karinderya.

Mula sa karinderya, tumayo ang isang lalaki at umangkas sa motorsiklo bago muling umarangkada sa direksyon ng biktima.

Nang abutan nila ang biktima, doon na binaril sa ulo ng angkas ang kanilang target na babae na bigla na lang natumba at binawian ng buhay.

Hindi naman nasaktan ang dalawang kasama ng biktima pero tumanggi silang magsalita sa media.

Base sa impormasyong nakuha ng GMA News, 53-anyos ang babaeng biktima at mula umano sa lalawigan ng Isabela.

Ayon sa may-ari ng karinderyay, kumain muna ang angkas at nagsilbing gunman habang hinihintay ang kasama nitong rider.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen. -- FRJ, GMA News