Isang babaeng call center agent ang hinihinalang pinaslang ng kaniyang kinakasama sa loob ng isang bahay sa lungsod ng Makati.

Sa ulat ni Cecil Villarosa sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Khia Tongol, 24.

Kuwento ng pamilya ng biktima, Linggo nang mabalitaan nilang wala sa buhay si Khia at isinisisi nila ang pagkamatay ng dalaga sa kinakasama nitong si Florentino Ordinario III.

Iginiit ng suspek na namatay si Khia habang natutulog subalit hindi ito pinaniniwalaan ng pamilya ng biktima kaya't nagpasya silang ipa-autopsy ang bangkay nito.

"Sabi ko anong ginawa niyo sa anak ko? Walang umaamin. Paggising daw nila ganon na lang daw 'yung anak ko. Meron bang ganon? Paggising mo... namatay 'yung anak ko sa kandungan mo?" sabi ng ina ng biktima na si Nanay Elvira.

Galit ang naramdaman ng mga naiwan ni Khia lalo pa't ang nakasaad sa death certificate nito, asphyxia by strangulation ang ikinamatay ng call center agent. Maaaring binawian siya ng buhay dahil sa sakal o kaya sa pagtakip sa kaniyang bibig gamit ang unan.

"Durog 'yung puso ko dahil siyempre anak ko 'yun... ang hirap talaga, wala na nga akong luhang iluluwa mula noong Sunday po. Hindi rin ako nakakakain. Ang sa akin lang katarungan ng anak ko. Managot ang dapat managot," sabi ni Nanay Elvira.

Natuklasan din ng mga awtoridad na 36 na oras nang patay ang biktima.

Depensa naman ng suspek, nagising na lamang siya na patay na ang kinakasama.

"Hindi ko po ginawa. 36 hours? Pinakain ko pa po siya nung alas nuebe ng gabi noon..." sabi ni Ordinario.

"Nakatulugan ko na po kasi, isang linggo na rin pong inaalagaan ko siya kasi 'yung anak din po namin, kaliwa't kanan... nakatulog na rin po ako, pag gising ko, wala na siya," dagdag niya.

Ipinagtanggol naman ng tiyahin ng suspek ang kaniyang pamangkin at giit niya, wala siyang narinig na away ng dalawa at nakita pa raw niyang buhay si Khia na nakikipaglaro pa sa kaniyang anak.

"Pero Saturday night, buhay na buhay si Khia. Naglalakad pa talaga kasama 'yung anak niya, naglalaro pa sila sa labas ng anak niya eh. Knowing my pamangkin, takot ho 'yan kahit ganyan kalaki ang katawan, duwag 'yan. Hindi ho gagawa ng ganon 'yun," sabi ni Perlita Ordinario.

Nahaharap na sa kasong murder ang suspek. Iniimbestigahan na rin ang kaniyang mga kamag-anak upang matukoy kung pinagtatakpan nila ang nangyaring krimen.

"Doon sa statement ng ating mga imbestigador, 'yung SOCO saka 'yung sa family, apparently lumalabas na doon sa ordinary impression ng ordinary person na nakakita na 'yung bangkay hindi kamamatay lang," sabi ni Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

"Kumbaga medyo meron nang amoy, lumobo na 'yung tiyan ng biktima nung naireport sa amin," dagdag ni Simon. —Anna Felicia Bajo/LBG, GMA News