Sa matagal na panahon, naging tampulan ng tukso ang binatilyong si Kurt Mogol dahil sa ngipin niyang sungki-sungki at magkakalayo. Pero matapos ang isang taong rehabilitasyon, naisaayos na ito at nagkaroon na siya ng kompiyansang ngumiti nang labas ang ngipin.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Lunes, binalikan ang ulat noong 2017 tungkol sa kalagayan ng mga ngipin ng noo'y 11-anyos na si Kurt na inilapit sa GMA Kapuso Foundation.
Pag-amin ng binatilyo, nasasaktan siya at naging tampulan ng tukso dahil sa kaniyang mga hiwa-hiwalay na ngipin.
Ayon sa mga espesyalista sa ngipin na sila Dr. Darwin Lim at Dr. Emil Santos, "mesiodens" ang tawag sa kondisyon ng mga ngipin ni Kurt.
"Meron siyang extra teeth sa pagitan ng dalawang incisor niya sa upper jaw na nag-cause ng separation," sabi ni Lim.
Ayon naman kay Santos, hindi pa alam kung ano ang dahilan sa abnormal na pagtubo ng mga ngipin na kapag hindi kaagad naagapan o naisaayos at maaring magbigay ng mas malaking problema.
Matapos na itampok ang kuwento ni Kurt, isinailalim siya sa isang taong rehabilitasyon at ngayon ay napakalaki na ng ipinagbago ng kaniyang mga ngipin.
"Masaya po. Yung mga kalaro ko sinasabi sa ngipin ko, 'Wow! Kurt ang ganda ng ngipin mo," nakangiti niyang kuwento na nagsabing hindi pa rin siya makapaniwala na maganda na ang kaniyang ngipin.
Biro naman ng ina ni Kurt, puwede nang maging commercial model ng toothpaste ang kaniyang anak.
Kasunod ng pag-ayos sa mga ngipin, nagkaroon na raw siya ng kumpiyansa sa sarili.-- FRJ, GMA News