Ipinasara ng Environment Management Bureau (EMB) ang isang planta sa Talisay, Cebu dahil sa pagpapadaloy nito ng maruming likido sa dagat.
Ayon sa ulat ng “24 Oras" nitong Biyernes, ipinasara ang pabrika matapos mapag-alaman ng mga otoridad mula sa EMB at ng licensing office ng Talisay City Hall na ang kulay pulang maruming likido na pinadadaloy sa dagat sa tabi ng Deca Baywalk sa Talisay, Cebu ay mula sa naturang establisyimento.
Ang pagtatapon ng maruming tubig sa dagat ay nakunan ng video ng isang Youscooper na tumangging ibigay ang pangalan.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang may-ari ng pabrika ngunit ayon sa gwardiya, ayaw raw magbigay ng pahayag ng kanyang mga amo. —Llanesca Panti/ LDF, GMA News