Patay ang isang lalaking nahuli cam na nambubukas ng isang sasakyan matapos siyang manlaban umano sa isang hot pursuit operation sa Talavera, Nueva Ecija. Ang suspek, napag-alamang sangkot din sa mga basag-kotse modus.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Francisco Valenzuela.

Makikita sa kuha ng Talavera police station na sa una'y aakalaing nagparada lamang ng sasakyan si Valenzuela, pero pinupuntirya niya na pala ang isang multicab.

Ilang saglit pa, binuksan na niya ang bintana ng sasakyan, saka inilusot ang kalahati ng kaniyang katawan at ini-unlock ang pinto nito.

Pag-alis niya sa bintana, dumiretso na siya sa likod ng multicab at pumasok sa loob.

Maya maya'y lumabas na siya at may isinusuksok sa bulsa habang umaalis.

Ngunit hindi lamang ito ang unang beses na nagnakaw siya sa loob ng isang kotse, dahil nambiktima na rin pala siya ng isang empleyadang nakapara sa Barangay Poblacion Sur.

"Madami na palang nabiktima ito. So, nag-o-operate din 'yung grupo nila sa Cabanatuan, dito rin sa San Jose, sa Muñoz," sabi ni Poilice Superintendent Alexie Desamito ng Talavera Police.

Dahil dito'y isinagawa na ng pulisya ang hot pursuit operation, ngunit pumalag umano si Valenzuela kaya napatay.

Hindi nag-iisa sa modus ang suspek, ayon sa pulisya.

"Nu'ng sitahin nu'ng responding police officers natin, biglang kumaripas 'yung isa, 'yung isa pumutok agad. So, 'yun nagbakbakan na," sabi pa ni Sot ni Desamito.

Nagawang makatakas sakay ng motor ang kasamahan ni Valenzuela.

Nabawi ang isang baril, ilang basyo ng bala at dalawang sachet ng shabu sa crime scene. —Jamil Santos/ LDF, GMA News