Nasabat ng mga awtoridad sa isang operasyon sa Parañaque City ang mga corals at lamang-dagat na nasa mga tangke na pinaparami at ibinebenta umano sa ibang bansa. Ang lalaking namamahala sa lugar, naaresto.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, kinilala ang naarestong lalaki na si Davy Ang, na dalawang buwan umanong minanmanan ng mga awtoridad.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsamang puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
"Prior to the operation, our command was able to receive a very reliable information regarding the illegal activities of this subject wherein we were able to establish the large scale selling of live corals, hard and soft coral among others, " sabi ng hepe ng NBI Environmental Crime Division na si Atty. Czar Eric Nuquir.
Sa inisyal na impormasyon ng awtoridad, galing ang mga corals at iba pang mga lamang-dagat sa Quezon at Bohol.
"Pati online selling ginagamit niya . At ang kaniyang mga coral ay nakakarating sa Unites States of America at iba pang mga bansa,” sabi ni Nuquir.
"Kung kaya't ang pagbebenta pong ito ay hindi lang pangmaliitan o hobby. Ito po ay talagang commercial quantity," dagdag pa niya.
Sa ilalim ng batas, bawal ang pangunguha, pagmamay-ari at pagbebenta ng mga corals. Tanging mga mananaliksik lang ang maaaring mabigyan ng permit para magkaroon nito.
Samantala, ang ibang lamang-dagat naman na nakita sa bahay ni Ang ay mangangailangan pa ng permit bago maibenta.
Ayon sa BFAR, permit para sa pagbebenta ng isda ang hawak ni Ang.
Ang mga nasamsam naman na patuloy na ini-imbentaryo ng BFAR, maaaring mapunta sa pangangalaga ng nasabing ahensya. Inaalam pa kung may mga endangered species sa mga binebenta ni Ang.
Plano namang ibalik sa karagatan ang mga nakumpiskang corals at mga lamang-dagat.
Tumangging magbigay ng pahayag si Ang na mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 10654 at Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code. --FRJ, GMA News