Patay ang dalawang magkapatid sa Guinayangan, Quezon matapos malunod sa isang resort.
Sa ulat sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, caretaker sa resort ang lolo ng 7-anyos at 14-anyos na mga biktima.
Pinayagan umano niyang maligo sa swimming pool ang mga apo kasama ang iba pa nilang mga pinsan dahil kampante siyang marunong naman daw lumangoy ang mga ito.
Maya-maya, nawala na ang nakababatang biktima.
May kalabuan ang tubig ng pool kaya't sumisid ang kaniyang ate para hanapin siya.
Sa kasamaang palad, hindi na rin naka-ahon sa tubig ang nakatatandang biktima.
Nakita na lang ang katawan ng magkapatid nang tanggalin ang tubig sa swimming pool.
Hindi na sila umabot nang buhay sa ospital.
Walang nakitang foul play sa insidente at hindi na rin umano magsasampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima. —Dona Magsino/NB, GMA News