Kabilang ang isang pitong-taong-gulang na lalaki sa mahigit 30 nang nabiktima ng paputok habang papalapit ang pagsalubong sa 2019.

Sa ulat ni Rida Reyes sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes,  sinabing isang labintador ang sinindihan at kinagat ng biktima na mula sa Laoag City, Ilocos Norte.

Nagtamo ng malaking sugat sa bibig ang bata pero maayos na ang kaniyang lagay.
Sa Philippine Orthopedic Center, isang lalaki naman ang pinutulan ng dalawang daliri matapos na masabugan siya ng trianggulo.

Isa binata naman ang ginamot sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina  matapos magtamo ng second degree burns sa kaliwang kamay dahil sa sinindihang kuwitis.

Sa pinakahuling tala ng Department of Health,  umabot na sa 32 ang naitalang biktima ng paputok.

Ang Philippine Orthopedic Center,  nakahanda na ang mga gagamitin sa mga pasyenteng mapuputukan. Kabilang dito ang bone saw na pamutol ng daliri, at pambutas ng butong kailangang kabitan ng bakal.

Nitong December 21, itinaas na sa "code white" ang lahat ng DOH hospitals at iba pang pagamutan sa buong bansa, na ang ibig sabihin ay naka-standby na ang nga doktor, medical staff at emergency teams sa mga inaasahang pagdagsa ng mga biktima ng paputok sa bagong taon. -- FRJ, GMA News