Dahil sa pagiging alisto ng isang Grab driver, naaresto ang dalawang  American national na planong itapon sa Pasig river ang bangkay ng isang babae na kanilang kababayan. Ang isa sa mga suspek, nobyo ng biktima.



Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing 2:00 am nitong Lunes nang maging pasahero ng Grab driver na si John Quimba ang mga suspek na sina Mir Islam at Troy Woody, Jr.

Nagpasundo umano ang dalawa sa isang condominium unit sa Mandaluyong City, may isinakay na isang malaking kahon at nagpahatid sa isang mall sa Maynila.

Pero pagdating sa mall, bigla raw nagpahatid sa Pasig river ang mga suspek sa bahagi ng Baseco compound sa Maynila at doon na may napansin na hindi pangkaraniwan si Quimba.

"Gusto daw nilang dumaan sa Pasig river. Tapos pagdating doon nagulat na lang ako binaba yung box doon. Tapos narinig ko yung kalabog, alam ko na pong may iba nang nangyayari," kuwento ng driver.

Nang bumaba umano ang dalawang dayuhan sa Ermita, Maynila, doon na tumawag ng pulis si Quimba at pinuntahan ang lugar kung saan itinapon ang kahon.

Nakuha naman ng mga awtoridad ang kahon at nakita ang bangkay ng 23-anyos na American national si Tomi Michelle Masters, na nakabalot sa garbage bag at duct tape.

Nang maaresto ang mga suspek, kapansin-pansin ang mga kalmot sa katawan ni Woody, na napag-alaman na nobyo ng biktima.

Gayunman, itinanggi niya na pinatay niya ang kaniyang nobya.

"All I know is that I put the box in the car with a guy that's in there. I just loaded the box into the car with him," saad ni Woody. "The box is not mine."

Sinabi naman ni Islam na nagpatulong lang sa kaniya si Woody kaya pumunta siya sa condo unit nito. Nagpabili rin daw sa kaniyang ang kaibigan ng garbage bag, kahon at duct tape dahil mayroon daw itong itatapon na mga basura.

Paliwanag pa ni Islam, wala raw ang biktima sa condo dahil sinabi sa kaniya ni Woody na nasa The Netherlands ang biktima.

"I was sitting outside the door for two and a half hours no screaming no nothing. While I was there, that girl did not die. If she died, she died maybe two, three days ago. I don't know. When i went in that room it was scattered, there was no body," giit niya.

Sa inisyal na pagsusuri ng pulisya, 'di nakitaan ng sugat ang biktima at posibleng namatay ito sa suffocation o sakal.

Dahil sa Mandaluyong nangyari ang krimen, ipinasa ng Manila police sa Mandaluyong police ang imbestigasyon habang inihahanda ang reklamong isasampa laban sa dalawang suspek.-- FRJ, GMA News