Anim ang arestado sa dalawang operasyon kontra-droga sa Payatas, Quezon City.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Balitanghali ng GMA News TV nitong Lunes, nilusob ng mga pulis ang isang bahay matapos magkaabutan ng shabu at marked money sa isang buy-bust operation noong nakaraang linggo.
Apat ang arestado kabilang sina Julius Elorde, Ryan Fajuelas, Nicol Orella at isang babae.
Nag-iyakan at todo-tanggi ang mga suspek na may kinalaman sila sa droga pero maya-maya, pitong sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa lugar.
Nagkakahalaga umano ito ng halos P80,000.
"'Yung bahay ginagawang transaksyunan ng pagbebenta ng shabu, paggamit, so may iba't ibang parokyano rin siya na bumibisita doon para umi-score at bumatak na rin," ayon kay Superintendent Joel Villanueva, station commander ng QCPD Station 6.
Samantala, arestado rin sa hiwalay na buy-bust operation ang magkasabwat umano sa pagbebenta ng droga na sina Mark Tiocsin at Jerry Paderagao Jr.
Limang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kanila.
Nasampahan na ng kaso ang mga suspek. — Dona Magsino/RSJ, GMA News
