Huli sa CCTV ang isang lalaking nagsasagawa ng modus na bukas kotse sa Cagayan de Oro City, ayon sa ulat ni RGil Relator sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Lunes.

Makikita sa video ang lalaking nakasumbrero na naglalakad papunta sa nakaparadang pulang multicab at sinusubukang buksan ang sasakyan.

Wala pang isang minuto, nabuksan na niya ang multicab.

Habang ginagawa ang krimen, napadaan ang nagpapatrolyang pulis pero parang walang takot ang suspek na nanatili lang sa kanyang pwesto.

Pagkatapos, kinuha na niya ang ilang mga gamit sa sasakyan.

Ayon sa uploader ng video na mismong may-ari ng sasakyan, natangay ng suspek ang kanyang bag na may lamang importanteng gamit gaya ng laptop, mga dokumento sa trabaho at iba pang mga gadget.

“Ayaw kong sabihin na tila negative statement, pero it seems kulang sa security ang lungsod lalo na rito sa area ng Divisoria," sabi ng nanakawan na si Ian Solmayor.

Ayon sa kanya, naka-lock naman daw noon ang kanyang sasakyan.

Samantala, sabi ng pulisya meron na silang lead sa pagkakakilanlan ng suspek. —Joviland Rita/ LDF, GMA News