Napurnada ang tangkang pagpupuslit ng shabu ng isang babae sa Talipapa Police Station sa Quezon City.
Sa ulat ni Darlene Cay sa "GMA News TV Balitanghali" nitong Linggo, dadalaw lang sa piitan ang suspek na si Joan Tado nang mahulihan ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Isiningit umano ang kontrabando sa isang shorts na ibibigay sana sa dadalawing preso.
Nabisto ito ng mga pulis nang inspeksyunin ang mga gamit ni Tado.
Iginiit naman ng suspek na inosente siya. Hindi raw niya alam na may nakasingit na droga sa gamit na ipinadala lang umano sa kanya.
Gayunman, hindi pa rin kumbinsido ang mga pulis.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Tado.
Babala ng mga awtoridad, huwag nang magtangkang magpuslit ng mga kontrabando sa kulungan dahil tiyak na dadaan sa mahigpit na inspeksyon ang mga dadalaw. —Dona Magsino/LBG, GMA News
