Kasong murder ang inihain ng Makati City Prosecutors Office laban sa apat na Chinese national na sangkot sa pagpatay at pag-chop-chop ng kapwa nila Tsino sa isang condominium sa Makati City.

Ayon sa ulat ni Ian Cruz nitong Biyernes sa "24 Oras," kabilang sa mga nahaharap sa kaso si Zhang Chu Ning, ang kapatid niyang si Zhang Chu Quan, at ang kanilang mga kaibigan na sina Wang Xue at Zhang Xi Xi.

Ito ay matapos maalerto ang Makati City police na may nagtapon daw ng mga duguang damit at kutsilyo sa garbage chute ng isang condominium sa Barangay Bel-Air, Makati City nitong Huwebes ng gabi.

Nadiskubre ng mga rumespondeng awtoridad ang putol-putol na bahagi ng katawan ng biktima na isinilid sa iba't ibang bag sa isang unit.

Ayon sa kuwento ng mga suspek sa awtoridad, nag-iinuman daw sila nitong Huwebes ng hapon nang magtalo ang biktima at si Zhang Chu Ning.

Love triangle ang unang inilutang na posibleng dahilan sa pagpatay, pero ayon sa kampo ng biktima, maaaring may kinalaman sa online casino ang insidente.

Kabilang sa mga testigo ng pulisya ang guwardiya ng naturang gusali, kasama ang isang empleyado na nakadiskubre ng tinapong duguang kagamitan sa garbage chute.

Kuwento ng babaeng empleyado: "Ang nakita lang po namin, may bumagsak na paper bag. 'Nung pagkabagsak po, may nakita po kaming kutsilyo at may brief, tapos tissue na maraming dugo." —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News