Ilang pagtutuwid sa insidente ang ibinahagi ng lalaking naputulan ng braso matapos magkasagian ang dalawang bus sa EDSA-Kamuning noong Sabado.
Sa ulat ni Athena Imperial sa "Saksi" nitong Lunes, iginiit ng 29-anyos na biktimang si Daniel Malapit na hindi siya natutulog nang mangyari ang aksidente, taliwas sa inilahad ng driver ng sinasakyan niyang bus.
"Mali po ang impormasyon na 'yun dahil ako po ay nanonood sa cellphone sa aking kanang braso," pagsasalaysay ni Malapit.
"Hindi rin po nakalabas ang aking kamay bagkus po nasikwat po ang aking siko kaya naipit po at nabali ang aking braso," dagdag pa niya.
Ayon sa biktima, tila natagalan din ang pagresponde ng mga rescuer sa kaniya.
"Gustong-gusto raw po akong kunin ng driver dahil naaawa na siya sa sitwasyon ko kaso sa sobrang kritikal ng braso ko is hindi niya po ako magalaw at hinintay na lang po namin ang rescue team," ayon kay Malapit.
Hindi na naikabit muli ang naputol na braso ni Malapit.
Hindi na raw maghahabol sa pamunuan ng sinakyan niyang bus ang biktima basta't tumupad lang ito sa pangakong pagsagot sa kaniyang pagpapagamot at sa pang-araw-araw na gastusin ng kaniyang pamilya. — Dona Magsino/DVM, GMA News
