Makaraan ang mahigit isang siglo, inaasahang maibabalik na sa Pilipinas ang mga makasaysayang kampana ng Balangiga ng Eastern Samar na tinangay ng mga sundalong Amerikano noong Philippine-American war.
BALIK-TANAW: Sino si Valeriano Abanador na kinikilalang bayani ng Balangiga?
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakatakdang makipagkita si Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez kay US Defense Secretary Jim Mattis sa November 15 (araw sa Pilipinas) para sa isang military ceremony.
Ayon kay Dr. Rolando Borrinaga, kasama sa komiteng namumuno sa pagbabalik ng Balangiga bells, pagkatapos ng gagawing turnover ceremony sa Wyoming, USA, inaasahang babaklasin na ang kampana sa platform na pinaglalagyan nito.
Aayusin daw muna ang mga kampana dahil may mga bahagi ito na nawawala. At bago mag-Pasko, inaasahang naibalik na ang mga kampanya sa Samar.
Matatandaan na kinuha ng mga Amerikano noong 1901 ang tatlong kampana bilang "war booty" matapos nilang magapi ang bayan ng Balangiga bilang pagganti.
Una kasi nito, sinalakay ng mga Pilipino ang kanilang garison na nagresulta sa pagkasawi ng maraming dayuhang sundalo.
Dalawa sa mga kampana ang nasa Warren Airforce base sa Wyoming, at isa naman ang nasa isang US military base sa South Korea.
"Balangiga bells is the last issue or contention pertaining to the Philippine-American war. 'Yun na lang ang medyo hindi pa nahilot. Ngayon medyo naayos na so meron nang closure," sabi ni Borrinaga.
"Very important 'yun [mga kampana] in the life of the community," dugtong niya.
Noong 2017, iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang State of the Nation Address na dapat ibalik ng Amerika ang mga kampana dahil pag-aari ito ng Pilipinas. —FRJ/KG, GMA News