Sinabunutan at tinadyakan ang isang 14-anyos na estudyante ng dalawang kapwa niyang dalagita sa Barangay San Roque sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras", desidido ang pamilya ng biktima na maghain ng reklamo laban sa mga nanakit sa kanya.
Makikita sa isang viral video ang naglalakad na 14-anyos na estudyanteng naka-dilaw, nang sabayan siya ng 15-anyos namang naka-school uniform at isa pang dalagita na nakapula.
Maya-maya, sinabunutan na ang biktima ng naka-uniform at tinadyakan naman ng nakapula.
“Bigla po akong kumanta nu'n. 'Di po namin alam na nandu'n sila sa likod naming. Tapos sabi po nu'ng…hoy tumahimik ka!,” kwento ng biktima.
“Napahiya po ako nu'n nanahimik na lang po ako nu'n tapos nauna na kong maglakad sa mga kaibigan ko tapos sinundan na po ako,” dagdag pa niya.
Nakaharap ng biktima sa Barangay Hall ang batang nanabunot sa kanya.
“Sabi ko po bakit ang ingay niya. Tapos po minura niya po ako, kaya sabi ko po, bakit niya ako minura. 'Yan po 'yung sinusundan ko po sya. Tapos 'di po sya sumasagot, du'n na po namin siya inano,” sabi ng inirereklamonmg dalagita.
Kasama ng batang inirereklamo ang kanyang ate dahil OFW sa Saudi Arabia ang kanilang ina habang wala na silang balita sa ama.
Humarap naman sa barangay ang lola ng batang nakapula sa viral video para depensahan ang kanyang apo.
Ayon sa chairman, maraming beses na raw na humarap sa barangay ang inirereklamo.
“Ilang beses na 'yan naa-apprehend ng aming BPSO (barangay peace and security officer o tanod) at ilang beses na rin namin kinol ang attention ng kanyang guardian,” sabi ni Chairman Nonoy Mortega .
“Dinala na rin namin sa DSWD (Department of Social Welfare and Development) pero 'di siya tinanggap kasi nga walang complaint,” dagdag pa niya. —Joviland Rita/NB, GMA News