Isang lalaki na inatake sa puso at isusugod sana sa ospital ang tumilapon sa kalsada matapos na mabangga ng isang SUV na minamaneho ng isang doktor ang sinasakyan nilang service tricycle ng barangay sa Maynila nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing kasamang nasaktan ng pasyente sa nangyaring aksidente ang kaniyang anak, ang driver ng service tricycle, at dalawang iba pa.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad. sinabing patawid na sa panulukan ng Padre Faura at Taft Avenue ang tricycle na sinasakyan ng mga biktima nang mahagip sila ng SUV na minamaneho ni Dr. Juan Lorenzo Labayen.
Sugatan umano ang lahat ng limang sakay ng barangay service, at tatlo sa kanila ang malubha.
"'Yung sigaw po nung boses ng babae pamilyar sa akin, ang sigaw niya agad 'Tulong, tulong!' Tapos pagtingin ko nakita ko na lang 'yung pamangkin ko nakahandusay du'n sa isang sulok," sabi ni Emily Prado, kamag-anak ng mga biktima.
Ipinaliwanag naman ni Labayen na berde pa ang traffic light sa kaniyang linya kaya tumuloy siya hanggang sa makasalpukan ang tricycle.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulisya kung sino ang may pananagutan sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
