Iniimbestigahan ngayon ang pagkamatay ng tatlong preso sa Pasay police station drug enforcement team. Ang mga bilanggo, nawalan lang daw ng malay hanggang sa tuluyang pumanaw.
Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nakasaad sa spot report ng pulisya na nawalan ng malay ang tatlo dakong 8:30 pm nitong Huwebes.
Kaagad daw dinala sa ospital ang tatlo na nasa edad 25, 33 at 36, pero binawian din ng buhay.
Kasunod ng nangyari, inilipat na umano sa ibang piitan ang ibang bilanggo para maibsan ang siksikan sa kulungan.
Nagpatawag din ng medical team para masuri ang mga bilanggo.
Ayon kay Police Senior Superintendent Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, wala pang resulta ang isinasagawang pagsusuri sa mga bangkay kung ano ang dahilan ng kanilang pagkasawi.
Dagdag pa ni Flores, wala naman umanong idinadaing ang mga nasawi nang panahon na nakadetine pa sila.
Sa hiwalay na ulat ng GMA News "Saksi," sinabi ng ina ng isa sa mga nasawi na idinaing noon ng kaniyang anak ang labis na siksikan nila sa kulungan. -- FRJ, GMA News
