Nasunog ang bahay ng folk singer na si Coritha (Socorro Avelino sa totoong buhay) sa Scout Ybardolaza, Barangay Sacred Heart sa Quezon City kaninang madaling-araw.

Nagsimula ang sunog pasado alas-dos ng madaling araw na umabot ng ikalawang alarma bago idineklarang fire out ng Quezon City Fire District.

Ayon kay Fire Inspector Lyndon Yap, commander ng Quezon City Fire District Station 4, wala namang nasugatan sa insidente.

Natupok umano ng apoy ang buong bahay na luma na at gawa sa light materials.

Aabot pa umano sa P80,000 ang halaga ng pinsala.

Inaalam pa ng BFP kung ano ang sanhi ng pagsiklab ng apoy.

Pero ayon kay Coritha, posibleng ang sanhi ng sunog ay ang sigarilyo na naitapon sa kutson ng kanIyang pamangkin na kasama niyang nakatira sa bahay.

Wala raw silang nailigtas na kahit anong gamit dahil mabilis umanong lumaki ang apoy.

Si Coritha ang nagpasikat sa mga awiting “Oras na,” at “Si Lolo Jose." —LBG, GMA News