Simula sa Nobyembre, asahan na ang dagdag-bayarin sa konsumo ng tubig na siniserbisyuhan ng Manila Water matapos na aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang hiling nilang dagdag-singil.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing P6.22 hanggang P6.50 per cubic meter ang inaprubahan na taas-singil ng MWSS na hahatiin sa loob ng apat na taon.
Ang naturang dagdag-singil ay mas mababa kumpara sa P8.30 per cubic meter na nakasaad sa petisyon ng Manila Water.
Ang unang bagsak ng singil na P1.46 per cubic meter na average rate hike ngayong Oktubre ay makikita na umano sa water bill sa Nobyembre.
Dahil dito, ang mga kumokonsumo ng 'di tataas sa 10 cubic meters ay magkakaroon ng dagdag P5.68 sa kanilang water bill.
Nasa P9 naman ang madadagdag sa kumokonsumo ng 15 cubic meters at P19 naman sa mga nakakagamit ng 25 cubic meters na tubig.
Ang isang cubic meter ay katumbas ng 1,000 litro o mahigit 264 na galon.
Ang basic rate ngayon ng Manila Water ay P24.82 per cubic meter.
Sakop ng Manila Water ang east zone concession na kinabibilangan ng 23 lungsod at munisipalidad sa Metro Manila at Rizal.
"Hindi ginawa na isang bagsakan dahil gusto nating alalayan ang inflation dahil naiintindihan natin na medyo mabigat na sa consumers ang taas ng mga bilihin. Sana maunawaan ng mga consumers na kailangang talagang i-adjust ito," sabi ni Patrick Lester Ty, chief regulator, MWSS.
Ayon sa Manila Water, kailangan nilang mag-develop ng bagong pagkukunan ng tubig para matiyak na magtutuloy-tuloy ang water supply sa kanilang concession areas.
Dahil nila, sa 2023 pa makukunan ng supply ang kaliwa river project ng MWSS.
Nauna nang inaprubahan ng MWSS ang P5.73 per cubic meter na kabuuang dagdag-singil ng Maynilad.
Hahatiin din ang pagpapatupad ng taas-singil na ito hanggang 2022 na magsisimula sa susunod na buwan.-- FRJ, GMA News
