Arestado ang pitong tao na sangkot umano sa cyber kalaswaan sa Iligan City, Lanao del Norte kung saan mga foreigner pa ang kanilang mga kliyente.

Walo namang kabataan ang nasagip sa mga isinagawang operasyon.

Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing dinakip ang mga suspek sa mga magkakasunod na entrapment operation ng pulisya.

Sa Barangay Dalipuga, inaresto ang mag-inang sina "Ana" at "Joy", at ang tiyahin ni Joy na si "Angela", mga hindi nila tunay na pangalan.

Umamin si alyas "Ana na nagseserbisyo ang anak para sa isang kliyenteng Amerikano. Depensa naman ni Angela, napilitan lang siyang gumawa ng ilegal.

Nailigtas naman ang anak ni alyas "Joy" na 1-anyos pa lamang.

Nagsagawa rin ng operasyon ang Station 4 at nahuli ang magkaka-anak na sina "Mae", "Dianne" at "Cara", mga 'di rin nila tunay na pangalan, at isa pa nilang pamangkin na estudyante.

Itinuro nila si alyas "Mae" bilang may pakana sa ilegal na gawain.

Ayon sa kanila, may online job lamang si Mae at tumutulong lang sila sa transaksiyon sa perang ipinapadala ng kaniyang kliyente.

Pinabulaanan ni alyas "Mae" ang mga paratang sa kaniya pero umamin siyang may kaibigan siyang Amerikano na nagbibigay ng pera sa kaniya.

Sinabi ng pulisya na matagal na silang gumagawa ng pagmamanman kay alyas "Mae" at napatunayan din sa operasyon na nagsagawa siya ng mga ilegal na transaksiyon.

Sa hiwalay na operasyon pa, limang menor de edad na isinasalang sa cybersex sa Barangay Tambacan ang nasagip, habang sa Barangay Mahayahay, tatlong kabataan ang nai-rescue.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Child Pornography Act. —NB, GMA News