Muling nabulabog ang mga vendor sa Baclaran, Parañaque City nang nagsagawa na naman ng clearing operations ang Metro Manila Development Authority kahit masama ang panahon. Pati ang mga pasaway na tricycle driver, nahuli.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, isang tricycle driver ang nakasagasa sa motorsiklo ng MMDA enforcer nang tangkaing tumakas matapos sitahin sa Taft Avenue.

Nang imbestigahan ang driver, napag-alaman na walang rehistro ang kaniyang tricycle kaya hinila ang kaniyang sasakyan kahit nagmakaawa pa siya.

May iba pang mga tricycle ang hinila na ginagamit na pang-deliver dahil mga walang lisensiya at bawal din silang dumaan sa main road.

Sa loob ng Baclaran, kaniya-kaniya na namang hakot ng paninda ang mga vendor na sumakop sa mga bangketa at kalsada. Ang mga vendor na nakakariton, nagtakbuhan naman.

Dismayado si Bong Nebrija, operation chief ng clearing operation, dahil hindi natututo at nagbabalikan pa rin sa kanilang mga puwesto at maling gawain ang mga vendor kapag umaalis ang MMDA.

Nang makita naman ni Nebrija na maraming pasahero sa service road sa Roxas boulevard ang stranded at walang masakyan, inuna na muna nila ang kapakanan ng mga ito at  pinayagan ang mga pampasaherong sasakyan na "yellow fiera" na magterminal sa lugar para maisakay na ang mga tao.

Karaniwan umanong hindi nagpupunta sa lugar ang mga pampasaherong sasakyan dahil na rin sa clearing operation na ginagawa doon.--FRJ, GMA News