Isinusulong ngayon sa Senado ang panukalang batas na bigyan ng dagdag na bonus na 14th month pay ang mga manggagawa sa pribadong sektor. Pero ang isang grupo ng mga negosyante, nagbabala sa masamang epekto nito.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 oras" nitong Biyernes, sinabing si Senate President Tito Sotto ang nagsusulong ng 14th month pay, na dagdag sa taunang 13th month pay na natatanggap ng mga manggagawa alinsunod sa itinatakda ng batas.
Sa inihaing Senate bill No. 2 ni Sotto, nais niyang ibigay ang 14th month pay o isang buwan pang bonus para sa mga rank-and-file employee sa mga pribadong kumpanya.
Ang manikuristang si Geralyn Musico na nagtatrabaho sa isang salon, sinabing malaking tulong sa kaniya kung maisasabatas ang dagdag na bonus.
"Nakakatulong sa financial, gastusin sa bahay. Tapos 'pag ano mga magulang ko kailangan din nila ng pera, makakapagpadala ako," saad niya.
Pero para sa Philippine Chamber of Commerce and Industry, hindi magandang plano ang 14th month pay dahil ang higit nitong maapektuhan ay ang mga maliliit na negosyante.
Saad pa ng PCCI, may mga malalaking kompanya naman na nagbibigay na ng hanggang 15th month bonus pero kakaunti lang ito dahil mas marami umano ang mga micro and small business.
"Tataas ang overhead nila kasi siyempre they start with two or three instead of hiring more they'll limit the number," sabi ni Bing Sibal-Limjoco, presidente ng PCCI.
Ang negosyante may-ari ng isang laundry shop, sinabing baka magbawas siya ng tauhan kung magiging batas ang pagbibigay ng 14 month pay.
"'Yung rental pa lang di ko na kailangan i-elaborate how expensive it is. Hindi naman kami makataas ng rate kasi parang kabute nagsusulputan ang competitors," paliwanag ni Shieryl Salinas.
Ang Trade Union Congress of the Philippines, sinabing magiging malaking tulong ang dagdag-bonus sa mga manggagawa. Gayunman, pinayuhan niya ang mga kawani na 'wag ma-excite dahil malamang wala rin daw mangyayari sa naturang panukala.
"Huwag munang masyadong umasa dito sa balitang ito," payo ni Alan Tanjusay ng TUCP. --FRJ, GMA News
