Nakuhanan sa isang CCTV camera ang umano'y modus na pagpapalit ng pera ng ilang babae sa isang tindahan sa Quiapo, Maynila.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa 24 Oras nitong Miyerkoles, makikitang nag-abot ng P2,000 ang isang babae bilang bayad sa kanyang pinamili.

Subalit ilang sandali lamang, nagreklamo daw ito at nagdesisyong hindi na kukunin ang mga pinamili.

Mapapansing lumapit ang isa niyang kasama habang nakatayo naman malapit sa kanila ang isa pang babae.

"Sabi niya bakit hindi wholesale... Tapos ano sabi niya, 'hindi na lang daw,'" sabi ng tindero.

Dahil ibinalik ang mga pinamili, ibinalik daw ng tindero ang ibinayad ng babae na P2,000 pero bigla raw naglabas ng P200 ang mga ito.

"Sabay sabi na P200 lang to, P2000 binigay namin ganyan. Tapos parang gusto niyang palabasin na P200 ang binigay ko. Sinabi ko rin na pano rin kita mabibigyan ng P100 kung wala din kaming P100 sa kaha," kuwento ng may-ari ng tindahan.

Agad tiningnan ng may-ari ng tindahan ang CCTV at doon nga napatunayang pinasa pala ng babae ang P2,000 sa kanyang kasama saka pinalitan ng P200. Mabilis namang naitago ng isa pang babae ang P2,000 sa ilalim ng cellphone.

"Siniswitch nila 'yung pera, lagi pong may kasamang mga kung tawagin namin eh bakero po. Para kung sakaling makukuha nila 'yung binalik ipapasa nila 'yun para walang ebidensya kung kakapkapan sila," sabi ni Kagawad Jay Dowell ng Barangay 306.

Payo ng may-ari ng tindahan, i-check ang CCTV camera upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente.

"I-check muna sa CCTV before returning the money. Kasi kung walang CCTV, instead na P2,000 lang mawala baka P4,000 pa," sabi niya.

Ayon sa ulat, nakatakas ang mga suspek. — Anna Felicia Bajo/BAP, GMA News