Dahil sa pagbaha nitong Martes bunsod ng walang tigil na pag-ulan, mahigit 900 residente mula sa dalawang barangay ang inilikas sa iba’t ibang evacuation centers sa Quezon City.
Kanya-kanyang pwesto at latag ng banig sa covered court ang mga lumikas na residente ng Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City. Karamihan sa kanila ay mga babae at bata dahil naiwan para magbantay sa mga bahay ang mga lalaki.
Kabilang sa mga lumikas ang kapapanganak lang noong nakaraang buwan na si Shirley Magalona at dalawa niyang anak.
“Sanay na po kaso nangangamba pa rin po oras ng trahedya na ganito karaniwang gabi pa ang ulan kaya lumilikas po kami ng wala sa oras,” ani Shirley.
Tuwing malakas ang buhos ng ulan ay agad ding lumilikas ang buong pamilya ni Angeline Calamba.
“Noong umalis po kasi kami sa bahay hanggang bewang po [ang tubig], pero nung pumunta po ang asawa ko ang sabi ay lagpas tao na,” sabi ni Angeline.
Binigyan ng relief goods ng lokal na pamahalaan ang mga evacuee kabilang na ang bigas, noodles, de-lata at biscuit.
Nasa 802 residente o katumbas ng 201 pamilya ang lumikas sa tatlong evacuation centers ng barangay.
May mga lumikas din sa Sulyap ng Pag-asa Center at area ng lumang palengke.
Samantala, sa covered court din lumikas ang nasa 100 residente ng Gumamela St. sa Brgy. Roxas District.
Hindi raw bago sa mga residente na ang paglikas sa tuwing umaapaw ang ilog sa kanilang lugar.
Kwento ng residenteng si Lani Gonzales, “Malapit na ho sa second floor namin malapit na kaming abutin sa second floor.”
Binigyan ng mga tauhan ng barangay ng antibiotic ang mga residenteng lumusong sa baha kahapon para maiwasan ang leptospirosis.
May mga gamot din para sa lagnat, ubo at sipon kung sakaling kailanganin. —KBK, GMA News