Naniniwala ang 73 porsiyento ng mga Filipino na dapat na igiit ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kaniyang administrasyon ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea, batay sa resulta ng survey ng Pulse Asia.
Inilabas ang resulta ng survey nitong Huwebes, kasabay ng ikalawang taong anibersaryo nang pagkapanalo ng Pilipinas sa arbitration case laban sa China kaugnay sa pinag-aagawang teritoryo.
Ayon kay Pulse Asia President Roland Holmes, ginawa ang naturang survey noong June 15 hanggang June 25, na mayroong 1,800 respondent.
Sa survey, 46 porsiyento ang "strongly agreed" at 27 porsiyento ang "agreed", na dapat iginiit ng pamahalaang Duterte ang desisyon ng The Hague-based arbitral court na pumabor sa Pilipinas.
Lumitaw din sa survey na 17 porsiyento ang hindi lubos na makapagdesisyon. Samantala, apat na porsiyento lang ang "disagree" at tatlong porsiyento ang "strongly disagree" na igiit ang desisyon.
Kasabay nito, 36 percent ang naniniwala na dapat maghain ng diplomatic protest ang pamahalaan laban sa ginagawang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Naniniwala naman ang 22 porsiyento ng mga tinanong na dapat palakasin ng Pilipinas ang pakikipag-alyansa sa US, Japan, Australia, at iba pang bansa; habang 16 porsiyento pa ang nagsabing dapat palasin ng Pilipinas ang sarili nitong militar.
Samantala, 21 porsiyento ang pabor na ipagpatuloy ng pamahalaan ang pakikipagkaibigan sa China.-- FRJ, GMA News