Patay ang isang lalaki matapos siyang mahulog mula sa tuktok ng Giant Star Wheel Ride ng Star City sa lungsod ng Pasay nitong Linggo ng gabi.
"Nobody actually saw the person come from the giant wheel pero he was identified by our ride attendant na sumakay rin. Ni-rush namin sa ospital pero dead on arrival," sabi ni Attorney Rudolph Juralbal, tagapagsalita ng Star City, sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Ayon sa ulat, nakilala na ang biktima dahil sa company ID na nakuha mula sa kanya. Nakipag-ugnayan na raw ang pamilya ng biktima sa pamunuan ng Star City at sa pulisya.
Nagbigay na rin daw ng tulong pinansiyal ang amusement park sa mga naulila ng lalaki.
Sa imbestigasyon ng Pasay police, napag-alaman na baklas ang parisukat na acrylic panel sa isang bahagi ng gondola number 23 ng nasabing Ferris wheel na may taas na 60 metro.
Posible umanong nagpumilit lumabas mula sa gondola ang biktima dahil ang kalapit raw na panel nito ay may crack at bahagyang nakausli ang basag na bahagi.
Bahagya rin umanong nakaunat ang grills ng bintana.
"Nakita ng mga probers natin na 'yung gondola may dalawang screen sa taas, sa baba parang may salamin. 'Yun yung binaklas, probably doon tumalon... talagang pinuwersang buksan and according doon sa mga ride attendants, nagsosolo lang itong biktima," sabi ni Police Senior Superintendent Noel Flores, hepe ng Pasay police.
Dahil sa insidente, suspendido ang operasyon ng nasabing Ferris wheel.
Sa kabila nito, nanindigan pa rin ang pamunuan ng Star City na pasado sa international safety standards ang nasabing ride.
"The ride has been purchased from Japan. Every year, in fact twice a year, the ride is inspected by a safety inspector from California. Even the gondolas are very safe in the sense na mahirap lumabas diyan," sabi ni Juralbal.
Dagdag ni Juralbal, pag-aaralan nila kung may dapat bang baguhin sa disenyo nito.
"Every time you make modifications on its design it can render the ride by its modification unsafe also... So we have to consult our safety engineers and consultants on what modifications, if any, can be done," sabi ni Juralbal. —Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News