Naaresto ang tatlo sa mga miyembro ng armadong motorcycle-riding group, kabilang ang leader umano nito, na sangkot sa robbery sa mga kainan sa Metro Manila.
Ang lima sa kanila at ang kanilang financier ay patuloy na pinaghahahanap ng mga pulis.
Sa ulat ni Mariz Umali sa Balitanghali nitong Biyernes, kinilala ang mga naarestong suspek na sina John Christopher Ramirez alyas "Potpot," na tinukoy na lider ng notoryus na grupo; Jonah Marie Santos, live-in partner ni Ramirez; at Jaimeson Zhang.
Sinabing nahabol at nakorner sila ng mga operatiba sa kanto ng Road 10 at Mindanao Avenue, sa tulong na rin ng lead ng pulisya. Agad silang pinadapa sa kalsada at pinosasan.
Positibo silang itinuro ng kanilang mga biktima.
"The group is allegedly responsible for the series of robbery incidents in the metropolitan area and are planning to stage another robbery," pahayag ni PNP chief Director General Oscar Albayalde.
Huwebes nitong gabi sa Barangay Ramon Magsaysay sa Quezon City, pasara na ang isang kainan nang dumating ang pitong lalaking sakay ng tatlong motorsiklo.
Bumaba ang apat sa kanila at may mga hawak na baril. Makikita sa CCTV na una nilang nilapitan ang magkasintahan at tinangayan ng cellphone at pera.
Pumalag ang customer na si Alfredo Laurente sa kabilang lamesa.
"Tumayo po ako, tinanong ko sila 'Ano ba kako problema?' 'Hindi holdap ito.' 'Bakit kako?' Tapos ang nakuhanan sila lang tapos 'yung isang kasama ko nakuha 'yung isang bag," sabi ni Laurente.
Sa isa pang kuha ng CCTV, makikitang tinungo ng isa sa mga salarin ang counter, tinutukan ang kahera, at nilimas ang P6,000 laman ng kaha.
"Dinakot po niya 'yung lahat po ng cellphone tapos 'yung bag po ni ate," sabi ni alyas "Chris," empleado ng kainan.
Walang nagawa ang mga empleado kundi magtaas na lang ng kamay, habang napadapa ang mga customer sa second floor.
Naganap ang nakawan sa loob lamang ng 45 segundo, at nataon pa na katatapos lang magronda ng mga taga-barangay.
Lumalabas na ang grupo rin ang nangholdap sa mga nasa gilid ng kalsada sa West Avenue, Quezon City noong ika-20 ng Hunyo, na 18 segundo lang ang itinagal.
Hunyo 20 rin nang looban ng grupo ang isang kainan sa Caloocan City. Naka-motor at helmet din sila noon.
Nanloob pa ang mga suspek ng isang kainan sa Caloocan noong Hunyo 24. Limang lalaki na pawang mga naka-helmet ang bumaba, mga armado ng baril at nakitang pumasok sa restaurant.
Lumalabas na dati na rin palang may kasong kriminal ang suspek na si Ramirez.
"Alyas 'Potpot' actually has already cases filed against him, at least three cases for illegal possession of firearms and two robbery holdup cases," sabi ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, hepe ng NCRPO.
Nakatakdang i-inquest ang mga naarestong suspek at sasampahan ng kasong robbery in band at paglabag sa anti-fencing law.
"Mahirap namang sabihing wala nang mangyayaring ganyan. For all you know, hindi lang naman ito ang grupo na naglalaro or tumitira d'yan. But the point is napakalaking bagay that this particular group na pati na rin umamin na rin nu'ng makausap namin na sila talaga ang involved dito," pahayag ni Eleazar. —Jamil Santos/LBG, GMA News
