Apat na babaeng sangkot umano sa aborsiyon o pagpapalaglag ng sanggol sa sinapupunan ang nadakip ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa isang motel sa Maynila. Ilan daw sa kliyente ng grupo, mga estudyante.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang lider umano ng grupo na si Madam Joy Ocampo at ang tatlo pa niyang kasamahan na sina Gemma Achiko, Virgie Blanco at Elsie Mirafuentes.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, matagal na raw ang iligal na gawain nina Ocampo at karaniwang nagpupunta raw sa mga ito ay mga estudyante.

Naniningil umano ng mula P5,000 hanggang P20,000 ang grupo sa kanilang mga kliyente.

"May impormasyon kami na may 19-years-old pa ganon, siguro takot sa mga magulang na malaman... napipilitan silang kuwan...," sabi ni Senior Inspector Paterno Domondon ng Regional Special Operations Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Narekober mula sa mga suspek ang ilang gamit tulad ng forceps, mga kahon ng anesthesia, ilang gamot, mga pregnancy ultrasound image, at listahan ng mga pangalan at impormasyon umano ng mga nagpapalaglag.

Mariin namang itinanggi ni Ocampo ang ibinibintang sa kaniya. Sabi naman ni Achiko, napag-uutusan lang siyang na maghatid ng gamot.

Umamin naman si Blanco na siya ang nagsisilbing ahente ng grupo.

"Hindi man po madami, Sir. Kokonti lang po mga tatlong beses lang po kasi nga madalang po dahil sa kahirapan, Sir," sabi ni Blanco.

Si Mirafuentes naman ang tagalinis kapag natapos na ang proseso ng aborsyon. Nagbibigay daw siya ng diaper kapag dinugo na ang babae.

"Inaano ko po rito, hinuhugasan ko ganyan. Pagkatapos ho, ayan dugo. Dugo lang po 'yun, Sir. Wala pong bata," sabi ni Mirafuentes.

Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa anti-abortion law.

Inaalam din ng mga awtoridad kung totoong doktor si Ocampo dahil ito umano ang pakilala ng suspek.--Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News