Napasabak sa engkuwentro ang isang pulis na bibili lang sana ng tubig nang makita niya ang isang lalaking nauna nang nakabaril at nakapatay sa isang tricycle driver sa Tondo, Maynila kaninang madaling araw.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang nadakip na suspek na si alyas "Charlon," na nagtamo ng tama ng bala mula sa nakasagupang pulis.
Sinasabing si Charlon ang bumaril at nakapatay naman sa tricycle driver na si tricycle driver na si King Arthur Roque, na bumulagta ang duguang katawan sa tapat ng isang convenience store sa panulukan ng Moriones at Nicolas Zamora sa Tondo.
Ayon kay Senior Inspector Edwin Fuggan, hepe ng Station Drug Enforcement team, MPD Station 2, nagkataon na bibili ng tubig ang isa nilang kasamang pulis nang matiyempuhan ang nangyaring pamamaril.
"'Yung isa naming pulis nagpaalam lang na bumili ng tubig eh sa kabilang kanto lang kami naghihinta. Nakarinig siya ng putok tapos nakita niya itong si Charlon," ayon kay Fuggan.
"Nag-engkwentro sila roon, nagbarilan pa sila. Itong si Charlon nadala namin sa ospital na may tama ng bala rin," dagdag ng opisyal.
Hinihinala na personal na away o babae ang dahilan kaya binaril ni Charlon si Roque.
Pero hinala ng kinakasama ni Roque, nagalit si Charlon sa biktima dahil itinuro siya nito tungkol sa isang insidente ng nakawan ng gadget na may kuha ng CCTV.
Nakuha kay Charlon ang isang caliber 38 na baril na mahaharap sa reklamong murder. -- FRJ, GMA News