Nanawagan ang ilang grupo ng mga katutubo sa Mindanao na dapat isama ang kanilang mga karapatan sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law.
Ayon kay Timuay Leticio Datu-Wata Lambiangan, mula sa South Upi, Maguindanao, mahigit sa tatlong linggo na silang namamalagi sa Metro Manila upang iparating sa mga mambabatas ang kanilang mensahe na dapat kilalanin ang karapatan ng mga lumad ng Mindanao.
Nababahala si Datu na ang lalabas na pinal na bersiyon ng BBL ay mula sa Bangsamoro Transition Commission (BTC) lamang at walang nakapaloob na probisyon na kumikilala sa karapatan ng mga katutubo, lalong-lalo na ang karapatan sa lupang minana.
“Kami ay nababahala [dahil] ang BBL draft ng BTC ay walang napaloob na probisyon na kumikilala sa mga karapatan ng mga katutubo... So ang aming ginawa dito ay nagla-lobby sa bawat kongresista at senador para maipasok yung aming karapatan para makilala sa pamamagitan ng Republic Act 8371,” pahayag ni Datu Lambiangan sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, naninindigan din si Mabel Carumba, secretary general ng Mindanao People’s Peace Movement na hindi lamang dapat mga Bangsamoro ang kilalanin sa panukang BBL, kundi marapat din ang mga katutubong matagal nang naninirahan sa Mindanao.
Naniniwala si Carumba na kung ang Bangsamoro ay nakararanas ng kawalang-katarungan ay gayundin naman ang naranasan ng mga katutubo lalo na sa usapin ng pag-agaw sa kanilang mga lupain.
“Kung sinasabi natin na ang Bangsamoro Basic Law ay sumasagot sa historical injustices laban sa Bangsamoro People, bakit hindi na lang natin sagutin yung lahat ng historical injustices na naranasan ng mamamayan ng Mindanao?
"Hindi lang naman yung Bangsamoro ang nakaranas ng mga ganitong historical injustices ng marginalization ng minority, andyan din yung mga kapatid natin na mga katutubo na sa loob ng maraming centuries at dekada ay nanirahan at napaloob dun sa Autonomous Region nagpa-practice ng kanilang self-governance system at merong sariling identity bilang indigenous peoples,” dagdag ni Carumba sa panayam din sa Radyo Veritas.
Nauna rito, naninindigan si Ozamis Archbishop Martin Jumoad na hindi magtatagumpay ang BBL kung ito ay eksklusibo lamang sa isang grupo.
Matatandaang isinulong ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law upang maitaguyod ang kapayapaan sa Mindanao subalit naantala ito nang maganap ang Mamasapano incident kung saan nasawi ang 44 na police commandos.
Inihayag naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagnanais na maisabatas ngayong taong 2018 ang BBL at kung maaari ay malagdaan niya ito sa ika-23 ng Hulyo bago ang kanyang ikatlong State of the Nation Address. —LBG, GMA News