Naghinanakit ang misis ng lalaking napatay sa isang mall sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi dahil wala umanong umawat sa away na naging sanhi ng krimen.
"Ang dami nila doon. Walang kumilos to prevent that from happening," sabi ni Susan Querijero, asawa ng 56-taong biktimang si Geroldo Ramon Querijero, sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Biyernes.
Nagtamo ng siyam na saksak si Geroldo sa iba't ibang bahagi ng katawan matapos niyang makaalitan ang suspek na nakilalang head technician ng PC Home Service Center sa SM North EDSA na si Leo Laab.
Nagpunta si Geroldo sa naturang service center nitong Huwebes ng hapon upang kunin ang laptop na pinagawa nito.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, hindi maipakita ni Geroldo ang job order para sa naturang laptop kahit na may resibo ito. Nagkasagutan si Geroldo at ang suspek. Pinalo ni Geroldo ang kamay ng suspek. Gumanti naman ang suspek at sinuntok sa dibdib si Geroldo. Binato naman ni Geroldo ang suspek gamit ang bote ng tubig at tumama ito sa kanyang mukha.
Dito na kumuha ng kitchen knife ang suspek at sinaksak ang biktima ng siyam na beses.
Nagkalat ang dugo sa loob at labas na naturang service center. Nakatakas ang suspek.
Isinugod sa ospital si Geroldo ngunit idineklara siyang dead on arrival bago mag-alas sais ng gabi.
Ayon kay Susan, tumawag pa ang biktima sa kanya upang sabihin na hindi niya makuha ang laptop. Kahit may dala siyang resibo, job order daw ang hinahanap.
Sinabihan na lang daw ni Susan ang asawa na hanapin ang job order at bumalik na lamang sa ibang araw.
Nagulat na lang si Susan nang tumawag ang kanyang kapatid at sinabing napatay si Geroldo.
Nais malaman ni Susan kung ano ang ginawa ng security ng establisimyento upang hindi sana napatay ang kanyang asawa, at bakit hindi agad tinawag ang pulis.
Wala pang pahayag ang SM at ang PC Home Service Center.
Nagpunta na sa tanggapan ng Quezon City Police District nitong Huwebes ng gabi ang abogado at mga empleyado ng naturang service center.
Ayon kay Quezon City Police District Director Guillermo Eleazar sa panayam sa Unang Balita nitong Biyernes, kasalukuyang pinaghahanap ang suspek.
"Ongoing po ang aming manhunt sa kanya," ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, ang imbestigasyon ay ginagawa ng Criminal Investigation Detection Unit. Ang mga operatiba naman ng QCPD Station 2 ang nagsasagawa ng manhunt para sa suspek.
"Tayo po ngayo'y nasa kasalukuyang pagkakalap ng mga ebidensiya, pagkukuha ng mga pahayag para malaman po natin kung meron po bang responsibilidad o accountability 'yung ibang mga taong nasa lugar, in particular 'yung mga security guard," sabi ni Eleazar.
Ayon sa QCPD, nakikipagtulungan na rin ang SM sa imbestigasyon.
Mensahe sa suspek
May mensahe naman si Susan sa suspek at sinabing mananagot ito sa Diyos.
"Hindi ka man managot sa batas, mananagot ka sa Diyos. 'Yun lang. 'Di ko sasabihin na makonsensiya ka or something kasi sa totoo lang, wala kang konsensiya. Dahil nu'ng binibili mo 'yung kutsilyo na 'yun na gagamitin mong panaksak sa husband ko, dapat noon pa lang kung may konsensiya ka, you should have stopped. Kaso hindi eh," ani Susan.
Ayon kay Susan, binili ng suspek ang kitchen knife sa hardware store sa mall matapos makipagtalo sa kanyang asawa.
Ito rin ang sinabi ni Eleazar. Binili raw ng suspek ang kitchen knife sa Ace Hardware matapos ang unang pagtatalo ng suspek at ng biktima bandang alas kuwatro ng hapon. Bumalik ang biktima pagkalipas ng alas singko ng hapon at dito na naganap ang krimen.
"Magkikita't magkikita tayo. 'Wag kang mag-alala," pahayag ni Susan sa suspek.
Ang bangkay ni Geroldo ay dinala sa Camp Crame nitong Biyernes ng umaga para i-autopsy, ayon sa pamunuan ng St. Peter Chapels sa Araneta Avenue, Quezon City.
Magsisimula ang burol para kay Geroldo Biyernes ng hapon sa St. Peter Chapels sa Araneta Avenue. —KG, GMA News