Sa likod ng matatamis na ngiti at pagiging masayahain, may kinakaharap na kondisyon si Baby Jessie ng Abra na kailangang maoperahan. Isinilang kasi siyang walang butas ang puwet o ang tinatawag na imperforate anus.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang imperforate anus ang isa sa mga pinaka-karaniwang uri ng birth defect sa mga bagong silang na sanggol.
Sa datos ng Philippine Children's Medical Center, sinasabing ikatlo ang imperforate anus sa may pinaka-maraming naitalang kaso sa nakalipas na limang taon.
Ayon kay Cristina Rodillo, ina bi baby Jessie, normal naman naman daw nang ipagbuntis niya ang kaniyang anak kaya hindi niya lubos maisip kung bakit ipinanganak ang bata na walang butas ang puwet.
Sabi ni John na ama ni baby Jessie, nalaman lang nila ang tunay na kalagayan ng anak nang makauwi na sila ng kanilang bahay matapos isilang ang bata.
Pero dahil sa kahirapan, hindi nila maipaopera ang anak upang makapamuhay siya ng normal.
Mula sa kanilang bayan sa Tineg, Abra, lumuwas ang mag-anak sa Maynila para ipasuri at ipagamot si baby Jessie.
Ayon sa duktor, wala pang malinaw na dahilan kung bakit nagkakaroon ng "imperforate anus." Pero isang hinihinalang dahilan nito ay posibleng nagkaroon ng viral infection ang ina nang panahon na ipinagbubuntis ang sanggol lalo sa first trimester o ang tinatawag na formative stage ng bata sa sinapupunan.
Sa ngayon, nilagyan ng temporary colostomy si baby Jessie sa tiyan upang madaanan ng ilababas niyang dumi sa katawan.
May mga operasyon pang kailangan gawin kay baby Jessie kaya kumakatok ng tulong ang kaniyang mga magulang para sa mga nais na tumulong.
Panoorin ang video kung papaano matutulungan si baby Jessie. -- FRJ, GMA News