Nalapnos ang noo ng ilang deboto matapos silang makaramdam ng init mula sa ipinahid na abo sa San Roque Cathedral sa Caloocan City sa paggunita ng Ash Wednesday.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita," nagreklamo ang mga debotong sina Mae Aldovino at Dave Peciller, na mahigit dalawang dekada nang nagsisimba sa naturang katedral, nang malapnos daw ang kanilang noo.
"Right after napahiran kami ng abo, may maramdaman kaming init. Naisip namin maybe it's time to confess. And then after an hour may init pa rin kaming naramdaman," sabi ni Aldovino.
Sumama naman ang pakiramdam ni Peciller nang alisin ang abo sa noo.
"Nilalagnat ako. Sumama 'yung pakiramdam ko. Nagsimba nga tayo dahil Ash Wednesday. Sana may aksyon 'yung simbahan sa nangyaring ito," ayon kay Peciller.
Aminado ang pamunuan ng San Roque cathedral sa nangyari matapos pumunta ang ilan pang deboto na nagreklamo ng pangangati o pagkasugat din sa kanilang noo matapos lagyan ng abo.
Naapektuhan din ang mga bata dahil nag-school-to-school ang simbahan.
"Nu'ng nalaman namin 'yon actually pinapalitan na namin 'yung mga ashes. Kaso naibigay din sa ibang schools ng mga lay ministers. Hindi naman talaga namin ninanais na itong unang araw ng Kuwaresma ay magkaganito 'yung nangyari. We really apologize to all who have been affected on what should have been a holy and solemn occasion," ayon kay Fr. Jeronimo Cruz, Rector, San Roque Cathedral Parish.
Ipinasuri na ng simbahan sa laboratory ang abong ginamit habang patuloy ang kanilang imbestigasyon sa insidente.
Nagbigay din ang simbahan ng first aid sa mga nalapnos ang balat.
Pupuntahan din nila ang mga bata sa mga paaralan kung saan sila naglagay ng abo.
Maaari namang pumunta sa simbahan ang mga nalapnos ang balat para sila'y maipagamot o ma-reimburse ang anumang nagastos nila sa pagpapagamot.
Ayon pa sa pamununan ng San Roque Cathedral, tinitiyak nila na ginagawa nila ang lahat para hindi na maulit ang pangyayari.
Samantala sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "Balitanghali," sinabi ni Father Cruz na nagtataka sila kung bakit nalapnos ang noo ng ibang parokyano.
Martes raw ng gabi sinunog ang mga palaspas sa harap ng katedral na pinangunahan ng mga sakristan at mga lay minister, at may mga guwardiya pang nakabantay.
Dahil dito, imposible umano silang masingitan ng mga masasamang loob, at wala ding hinalong kemikal sa mga sinunog na palaspas.
Isa si Belen Espiritu sa mga nalapnos ang noo na bumalik sa parish para magpahid ng burn ointment. Aniya, nag-iwan ng peklat na hugis krus ang mahapding abo na ipinahid sa kaniya noong Miyerkoles ng Abo, ngunit hindi naman naapektuhan ang kaniyang paniniwala.
May 299 namang mga estudyante at 17 empleyado ng La Consolacion College-Caloocan ang napaso ang noo, na napahiran din ng ointment noong Miyerkoles.
Nag-ikot ang school nurse, at nakitang may paso pa rin ang mga bata sa noo.
Ayon pa kay Father Cruz, hindi lahat ng napahiran ay nagkaroon ng rashes o burns. — Jamil Santos/MDM/FRJ, GMA News