Limang hinihinalang miyembro ng budol-budol gang ang arestado sa Cotabato, na nakuhanan pa ng pekeng pera na malaking halaga ang katumbas.
Sa Quezon City naman, arestado rin ang iba pang hinihinalang miyembro ng grupo na ayon sa mga biktima ay nanghi-hypnotize para makakuha ng pera.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing naaresto ang limang hinihinalang miyembro ng budol-budol gang sa Midsayap, Cotabato, kung saan nakuhanan sila ng mga pekeng pera na katumbas ng P240,000.
Hindi na pumalag pa ang mga miyembro nang arestuhin ng mga awtoridad.
Samantala sa Quezon City, dinakip din ang iba pa umanong miyembro na nambibiktima raw mula sa iba't-ibang probinsya.
Pinaghahanap na rin ngayon ang iba pang suspek.
Kadalasan daw modus ng mga kawatan na mag-alok ng negosyong may malaking kita, at target nila ang mga nakapagtrabaho na nang matagal at nakapag-ipon.
Ayon sa mga biktima, madalas daw ay nahi-hypnotize sila.
"May business na ino-offer na malaking kita. Hindi mo kailangan itong mga taong ito, biglang lumapit. If it's too good to be true, then, mag-ingat ka," sabi ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar.
"May magkahiwalay na grupo na separately, ibang pagkakataon, lalapit sa 'yo, 'yung ino-offer nu'ng isa, requirement ng isa. Ayun na. 'Pag ganu'n na, mag-isip na tayo."
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na huwag makipag-usap sa mga hindi kilala kung maaari, lalo na kung ang alok ay mabilis at malaki ang pagkakakitaan.
Ayon pa sa pulisya, maaaring ang naramdamang "hipnotismo" ng mga biktima ay dahil sa mga nakaka-engganyong pangako ng mga kawatan.
"You consult somebody na trusted. I-record mo lang 'yung mga ganu'ng transaksiyon. Huwag na huwag gagawin is maglabas ng pera," sabi ni Eleazar.
"'Pag ganyan po kasi, normally, nagsu-surveillance 'yan eh, kumukuha ng information. Mag-ingat po tayo sa mga information na lumalabas," sabi naman ni Superintendent Dionardo Carlos, PNP spokesperson.
Sinabing wala raw pinipiling panahon ang mga budol-budol gang para umatake kaya payo pa ng mga awtoridad, maging alerto lagi, lalo ngayong Kapaskuhan. —Jamil Santos/NB, GMA News