Bilang mga "historical pieces," nakatakdang ipasubasta ang ilan sa mga liham ni Dr. Jose Rizal sa kaniyang kapatid na si Maria mula noong 1891 hanggang 1896 na sa isang gallery sa Makati City sa Disyembre 2.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA News "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing ang bawat sulat ay may starting price na P1 milyon. Isinulat ni Rizal ang mga liham noong siya ay nasa Hong Kong at habang nasa Dapitan.
"It's a chance for a collector to own a part of a national hero. It reveals a tender side of Rizal when he speaks about his sister as pinakamahal kong kapatid," sabi ni Bambi Harper, isang cultural writer.
Napanatili at nasa maayos na kondisyon ang mga sulat sa kabila ng kanilang kalumaan.
Naglalaman ang mga sulat ng mga payo ng pambansang bayani sa kaniyang kapatid.
"He advices her about her marriage which was apparently falling apart. However he doesn't say for her to pack her bags and leave but to stay and suffer because heaven is such a best place to be in," sabi pa ni Harper.
Sa isa pang sulat, makikita rin ang pagkakaroon ng pride ni Dr. Jose Rizal na naniniwala sa kaniyang kakayahan bilang isang doktor.
"There is this man apparently who doubted his capacity as a doctor so he comes out in the letter and tells her to tell Mang Pedro that 'if he doubts my expertise he can go and look for another doctor,'" sabi pa ni Harper.
Kasama rin ang listahan ng kaniyang mga request na nais niyang ipadala sa Dapitan.
Naitala rin sa isang sulat ang pagdating ni Moris, kaniyang pamangkin na anak ni Maria, at ang asawa niyang si Josephine Bracken, sa Dapitan
Naka-display naman sa gallery ang portrait ni Nellie Boustead, isa sa mga naging girlfriend ni Rizal. Obra ito ni Felix Resurreccion Hidalgo, isa sa mga Filipino great painter.
Naging dating nobya rin ni Antonio Luna si Nellie, na nag-ugat umano sa pag-aaway nina Rizal at Luna, at nauwi sa isang duwelo.
"Ang babaeng ito ang isa sa pinakaminahal ni Rizal. Ang kailangang sabihin ko rin, kaya siya minahal ni Rizal kasi nakita niya kay Nellie na ito ang dapat dalagang Pilipina hindi 'yung Maria Clara na wall flower na paiyak-iyak sa isang corner. Ito ang magandang Pilipina, edukada, matalino, mabait, athletic," sabi ni Cultural and social historian Toto Gonzalez.
Makikita ng publiko mula Nobyembre 25 ang mga sulat ni Rizal sa Leon Gallery sa Makati City. —Jamil Santos/NB, GMA News