Away tungkol sa politika ang dahilan kung bakit nadisgrasya ang magkasintahang sakay ng isang kotse sa Quezon City nitong Sabado.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend, sinabing bumangga ang kotseng minamaneho ni Richie Hernaez sa isang pickup sa Ilocos Sur Street sa Barangay Sto. Cristo.
Matapos nito, nabangga naman ng pickup ang isa pang nakaparadang kotse.
Sinabi ni Hernaez na pauwi na sila nang agawin ng kanyang kasintahan ang manibela, kaya sila bumangga.
"Nagkaroon lang kami ng konting pagtatalo regarding politics. Wala na akong nagawa, nakapreno ako sa part na ito, kaya lang, hindi na kinaya kasi mas malakas siya eh," kuwento ni Hernaez.
Nakainom daw si Hernaez. "Hindi naman, eh dalawang bote."
Isinugod sa ospital ang kasintahan ni Hernaez na nagtamo ng minor injury.
Ipinangako raw ni Hernaez na sasagutin niya ang pagpapaayos sa dalawang sasakyan. —Jamil Santos/ALG, GMA News