Nahuli sa closed-circuit-television camera ang rambulan ng ilang kabataan sa isang barangay sa Quezon City. Ang isa sa mga tanod na rumesponde sa kaguluhan, nasugatan matapos na barilin.
Sa ulat ni Jay Sabale sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, makikita sa CCTV ang pormahan hanggang sa magbatuhan at tuluyang magpang-abot ang dalawang grupo ng mga kabataan sa JP Rizal St., sa Barangay Bagong Silangan sa Quezon City.
Makikita sa CCTV na isang lalaki ang bumagsak sa kalsada matapos na mapagtulungan ng kabilang grupo.
Sa isa pang kuha ng CCTV sa kabilang dulo ng JP Rizal St., makikita muli ang mga kabataang nagkalat sa kalsada na tila may inaabangan.
Pero nagtakbuhan ang mga ito nang dumating na ang mga taga-barangay matapos itimbre ng operator ng CCTV ang nangyaring kaguluhan.
Ngunit paparating pa lang umano ang mga tanod ay may bumato na sa kanilang sasakyan.
Sa tulong ng CCTV, nalaman ng mga tanod na nagtakbuhan patungo sa Road 9 ang isang grupo ng mga kabataan at doon na nabaril si Fortunato Rosales sa binti at dinala kaagad sa ospital.
Nahuli naman ang isa sa mga nanggulo at bumato umano sa mga taga-barangay na kinilalang si Carl Pacatang.
Itinanggi naman niya ang paratang at iginiit na pauwi na siya mula sa inuman nang makita ang mga nagtatakbuhan kaya napatakbo na rin siya.
"Kasi alam ko nagtatakbuhan sila parang may gulo baka madamay ako kaya tumakbo na rin ako sa may bahay," paliwanag niya.
Idinetine si Pacatang sa barangay habang pinag-aaralan ang kaso na isasampa laban sa kaniya. -- FRJ/KVD, GMA News