Limang tama ng bala ang tinamo ng katawan ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz, batay sa resulta ng isinagawang re-autopsy ng forensic expert ng Public Attorney's Office.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nito Lunes, sinabi ni forensic expert Dr. Erwin Erfe, tatlo ang tinamong tama ng bala sa dibdib ni Arnaiz, isa sa braso at isa sa tagiliran.

"'Yung dalawa or tatlong gunshot wounds dito inflicted while, based on trajectory studies namin, mukhang nakaluhod siya at that time noong unang two or three shots. And then the last two shots inflicted while nakahiga na siya," ayon kay Erfe.

"Ginawang parang firing range 'yung katawan... ginawang firing range 'yung bata," ayon naman kay PAO chief Atty. Persida Acosta.

May nakita rin umanong sugat sa mata, mukha at braso ni Arnaiz na tinawag ni Erfe na "defense wounds."

"So all-in-all, na-posas siya, binugbog, kinaladkad, at saka pinatay, intentional killing po 'yan," saad ni Acosta.

Una rito, sinabi ng mga pulis-Caloocan na sina Police Officer 1 Jeffrey Perez at Police Officer 1 Ricky Arquilita, na nagpaputok ng baril si Arnaiz kaya sila gumanti ng putok at napatay si Arnaiz.

Itinuturo umano ng taxi driver na si Arnaiz ang nangholdap sa kaniya.

Pero hindi naniniwala ang mga kaanak ni Arnaiz sa kuwento ng pulis kaya dumulog sila sa PAO.

Ayon sa ama ng binata, walang baril at hindi marunong gumamit ng baril ang kaniyang anak.

Pinuna ni Acosta ang mga pagkakatulad nina Arnaiz at 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos, na napatay din ng mga pulis-Caloocan dahil nanlaban umano.

Napatay si delos Santos nang tumakbo umano at nagpaputok ng baril sa mga pulis sa isinagawang anti-drug operation noong Agosto 16.

Napatay naman si Arnaiz sa Caloocan noong Agosto 18 pero tumagal ng 10 araw bago natunton sa punerarya ng mga kaanak ang kaniyang bangkay.

"Bakit parang may parallelism o parang may common denominator 'tong Kian and Carl Angelo. Parehong anak ng OFW, parehong may munting tindahan sa harapan ng kanilang bahay, parehong gwapo... Okay ang hitsura nila eh, may hitsura sila pareho," ayon kay Acosto.

Naghahanda umano ang PAO na magsampa ng reklamong murder laban kina Perez at Arquilita, na inalis na sa puwesto habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Inatasan naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na alamin din ang nangyari kay Arnaiz. — FRJ, GMA News