Nasawi ang drayber ng kotse na nadaganan ng cement mixer truck na tumagilid sa Mindanao Avenue sa Quezon City nitong Martes ng hapon. Ang kaniyang asawa at tatlong anak, himalang nakaligtas.
Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Saksi" nitong Martes ng gabi, kinilala ang nasawing biktima na si Ulysses Ramos.
Nagpapagaling naman sa ospital ang kaniyang asawa at tatlong anak.
Ang driver ng truck na si Jayson Muleta, nasa kostudiya na ng mga awtoridad at sinabing nawalan ng preno ang sasakyan.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang trak na tuluy-tuloy ang takbo at bumangga muna sa kotse na napaabante pa.
Kasunod nito ay sumampa sa center island ang trak bago tumagilid at dumagan sa kotse na kaniyang nabangga.
Dahil sa bigat ng cement mixer, kaunting siwang na lang sa bintana ng kotse ang naging daan para makita ang mga biktima sa loob ng sasakyan.
Naging pahirapan na mailabas ang tatlong batang anak at ang mag-asawa.
Nagtulong-tulong sa pagsagip ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority, mga pulis, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, mga sibilyan at iba pang volunteers.
Gumamit din ng kahoy at bakal para maiangat nang bahagya ang dumagan na mixer upang makuha ang mga biktima.
Kaagad na dinala sa Metro North Hospital ang tatlong biktima at sa Quezon City General Hospital ang isa pa.
Huling nailabas sa pagkakaipit si Ulysses pagkalipas ng mahigit dalawang oras matapos maganap ang aksidente.
Naalis na ang tumagilid na mixer at kotse sa Mindanao Avenue na nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko.
Nakipag-ugnayan na rin umano sa mga nasugatan ang Topstar Mix Ready Concrete Inc., ang kumpanyang may-ari ng trak.
Papunta raw sa grocery ang mga biktima nang mangyari ang trahedya.
-- FRJ, GMA News
