Sa naturang video na ibinahagi sa YouScoop ng biktima, kitang kita ang bilis ng kamay at pasimpleng pagpapalit ng pera ng isang kawatan.

Ayon sa biktima, nagpanggap na bibili ng pansit sa kanyang carinderia ang kawatan pero biglang nagsabing hindi na pala niya itutuloy ang pagbili dahil kailangan na niyang umalis.

Ibinalik ng biktima ang ibinayad na P1,000 ng kawatan. Mabilis na pinalitan ng kawatang babae ang hawak na pera ng P100, muli itong iniabot sa biktima at sinabing mali ang naiabot sa kanyang halaga.

Bukod sa pera, natangayan din ng paninda ang biktima dahil nagsabi ang kawatan na itutuloy na lamang niya ang pagbili ng pansit.

Magsilbi sana itong babala sa iba pang mga may tindahan para hindi mabiktima ng palit-pera. —ALG, GMA News