Nabulabog ang mga residente sa isang barangay sa Malate, Maynila nitong Biyernes ng madaling araw dahil sa isang pagsabog na malapit sa himpilan ng pulisya at nakapinsala sa sasakyan ng namumuno sa police community precinct.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras", makikita sa CCTV footage ang pagdating ng isang motorsiklo sa A. Francisco St. sa Malate dakong 3:16 a.m.
Matapos lumiko ang motorsiklo sa Arellano St, makikita na may biglang nagliwanag sa labas ng Arellano Police Community Precinct, dahil na pala sa nangyaring pagsabog.
Dahil sa malakas na pagsabog na nasundan ilang putok ng baril, nagtakbuhan ang ilang residente.
Agad namang hinabol ng mga nakamotorsiklong pulis ang suspek pero nakatakas.
"Malakas kasi," anang isang residente. "Tapos sumunod, dalawang magkasunod na baril na parang putok ng baril."
Nagkapunit-punit ang car cover ng puting SUV na tinamaan ng pampasabog habang naka-park sa tapat ng day care center na katabi lang ng PCP.
Wala sa istasyon ang may-ari ng sasakyan na si PCP Commander Police Chief Inspector Paulito Sabulao, nang mangyari ang insidente.
Na-flat pa ang dalawang gulong nito sa kanan at nabasag din ang isang side mirror nito. Nabasag din ang side mirror ng motorsiklong nakaparada malapit sa SUV.
Tinamaan naman ng posibleng bala ng baril ang isang kotse at isang jeep na nakaparada rin malapit sa PCP.
Wala namang nasaktan sa insidente.
Tumangging magbigay ng pahayag ang Manila Police District Station 9, habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News