Sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, marami sa ating mga kababayan ang magwawagayway at magpapakita ng mga larawan at replika ng watawat ng Pilipinas upang ipakita ang kanilang pagmamahalan sa bayan. Pero alam ba ninyo na minsan sa kasaysayan ng bansa ay ipinagbawal sa mga Pinoy ang paggamit ng ating sariling bandila?
Itinuturing madilim na bahagi sa kasaysayan ng bansa ang 1907 hanggang 1919, dahil ito ang panahon na bawal sa mga Pinoy ang gumamit, mag-ingat at mag-display ng watawat ng bansa sa ilalim ng Philippine Commission Act No. 1696 o ang Flag Law of 1907.
Nangyari ito sa ilalim sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas.
Sinasabing isinulong ang mga Amerikanong mambabatas ang pagpasa ng naturang batas para supilin ang pagiging makabayan ng mga Pinoy, at itinuturing nilang paghihikayat sa pag-aaklas ang pagkakaroon ng watawat ng Pilipinas.
Ngunit sa halip, lalo lang nag-alab ang pagiging makabayan ng mga Pinoy at tinuligsa nila ang naturang kautusan. At makaraan ang ilang bigong pagtatangka ng mga mambabatas na Pinoy na mapawalang-bisa ang Flag Law of 1907, nagkaroon ito ng katuparan sa pamamagitan ng Senate Bill No.1 na inihain ng noo'y si Senador Rafael Palma.
Ang naturang panukalang batas ni Palma ay naging Act No. 2871 at pinirmahan ni Governor General Francis Burton Harrison noong Oktubre 24, 1919, at tuluyan nang napawang-bisa ang Flag Law of 1907, pagkaraan ng 12 taon. -- FRJ, GMA News