Abby Clutario, nagpapasalamat sa mainit na suportang natatanggap sa debut single na 'Tadhana'
Mapapakinggan na ang "Tadhana" sa iba't ibang digital music platforms worldwide.
Puno ng pasasalamat ang multitalented singer-songwriter na si Abby Clutario sa mainit na suportang natatanggap para sa debut single niyang "Tadhana."
Noong January 20, inilabas na ng AltG Records ang rendisyon ni Abby sa sikat na awitin ng Up Dharma Down na "Tadhana," kung saan hindi lamang niya rito ipinamalas ang husay sa pagkanta, ipinarinig din niya ang talento sa pagtugtog ng electric instrument na Chapman Stick.
Agad na pumanglima ang "Tadhana" sa iTunes Philippines at napasama sa Fresh Finds Playlist ng Spotify Philippines.
"Maraming salamat sa mga nakapakinig at nag-download ng aking latest single na 'Tadhana'," pasasalamat ng multi-instrumentalist.
Si Abby ay isa lamang sa dalawang Chapman Stick players ng Pilipinas. Bago pa man siya opisyal na pumirma ng kontrata sa AltG Records noong November 2022, kilala na siya sa music scene bilang isang indie artist at miyembro ng progressive rock band na fuseboxx.
Patuloy na mapapakinggan ang "Tadhana" sa iTunes, Apple Music, Spotify, at sa iba pang digital music streaming platforms worldwide.